61,621

Jan 13, 2020 @ 12:05

Alert level 2 nanatili sa Mayon Volcano

Nananatili ang alert level 2 status ng Bulkang Mayon ngayong Lunes ng umaga.

Ibig sabihin, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nasa katamtamang pag-aalburoto ang bulkan at may posibilidad na magkaroon ng magmatic intrusion, na posibleng maging sanhi ng tuluyang pagsabog nito.

Samantala, ayon sa 8 AM update nito ngayong Lunes, Enero 13, 2020, wala naman silang na-detect na volcanic earthquake sa nakalipas ding 24 oras.

Nagbabala ang Phivolcs sa mga residente malapit sa Mayon sa posibleng pagbuga ng bulkan ng bato at abo.

Dapat din umanong ipagbawal ang pagpasok sa anim-na-kilometrong-radius na Permanent Danger Zone (PDZ) at pitong-kilometrong-radius na Extended Danger Zone (EDZ) na mula Anoling sa Camalig, Albay hanggang Sta. Misericordia sa Sto. Domingo, Albay.

Samantala, naka-Alert Level 1 naman ang Bulusan Volcano sa kalapit-lalawigan na Sorsogon.

Ang huling pagbabago ng alert status ng Mayon ay noong Enero 22, 2018, nang itaas sa alert level 4 ang bulkan na nagbuga ng higanteng abo (ash column).

Binaba ito sa alert level 3 noong Marso 6, at nanatili sa alert level 2 noong Marso 29 matapos ang “paghina sa pag-aalburoto.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?