239

By

Alejano kay Duterte: Wala kang karapatang mambastos sa aming pananampalataya

Inalmahan ni Magdalo Rep. Gary Alejano ang pagtiradang muli ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga obispo at paring Katoliko.

Aniya, hindi umano ito katanggap-tanggap at walang kuwenta.

“First, he called God stupid. Now, he calls Bishops useless and orders their massacre. Marahil ang mga pahayag na ito ay naka-ugat sa hindi pagsang-ayon ng Simbahang Katolika sa mga hindi makatao at hindi makatarungang polisiya ng administrasyon gaya ng Oplan Tokhang,” ani Alejano sa isang pahayag.

“Ano pa man ang dahilan, malinaw na ang mga pahayag na ito ay hindi katanggap-tanggap. Ang ating pananampalataya na ating naging sandigan sa mahabang panahon ay binabastos lamang ng ating Pangulo,” dagdag pa ni Alejano.

Sinabi rin nito na wala umanong karapatan kahit pa Pangulo na bastusin ang pananampalataya ng ibang tao.

“Ang mga Pilipino ay may kalayaang panrelihiyon. Walang sino man, kahit pa ang Presidente, ang may karapatang mambastos sa ating mga pananampalataya. Ang mga pahayag na ito ay walang puwang sa lipunang may takot sa Diyos,” aniya.

Ang pahayag ni Alejano ay nag-ugat sa muling pagbira ng Pangulo sa Simbahang Katolika sa awarding ceremonies para sa 2017 Presidential Award for Child-Friendly Municipalities and Cities sa Malacañang noong Miyerkoles.

Dito tinawag ng Pangulo na walang silbi at dapat patayin na lamang ang mga obispo dahil wala umanong ginawa kundi mangtuligsa.

“[I]tong mga obispo ninyo, patayin ninyo. Walang silbi iyang mga gagong iyan. All they do is criticize,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?