17

Jul 5, 2021 @ 18:06
By

Alegasyon ni Trillanes panis na – Bong Go

Tinawag ni Senador Bong Go na panis na o walang bago sa alegasyong plunder ni dating senador Antonio Trillanes IV laban sa kanya at kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Go, taong 2018 pa niya nasagot ang naturang paratang at hinamon nito ang dating senador na imbestigahan at magsampa ng kaso laban sa kanya.

“Panis na isyu itong pinapalabas ni Trillanes. Wala na bang bago? Katunayan, noong Setyembre 2018 pa, hindi pa ako senador ay sinagot ko na ito at hinamon ko pa nga si Trillanes na imbestigahan niya at magsampa siya ng kaso,” sabi ni Go sa isang statement.

“Hinding-hindi ako uurong sa kaso dahil alam ko na malinis ang aking konsensya at wala akong batas na nilabag,” sambit pa nito.

Nauna nang inakusahan ni Trillanes sina Go at Duterte ng korapsyon na P6.6 bilyong public works contracts sa Davao City o Davao region.

Ito’y sa pamamagitan ng dalawang construction company na pag-aari ng kanyang amang si Decideria Lim Go at half-brother nitong si Alfredo Amero Ho.

“Ang tanong ay nakinabang ba ako? Nakialam ba ako? Nag-impluwensiya ba ako? Wala! Buti pa ang ibang tao, nakakahingi ng tulong sa akin. Pero ang pamilya ko hindi nakakalapit sa akin ‘yan, lalo na ang half-brother ko na magkaiba naman ang aming nanay,” diin ni Go.

Tanong pa ni Go kay Trillanes: “Paano naging plunder laban sa akin at kay Pangulong Duterte ang isang lehitimong transaksyon ng gobyerno na wala naman kaming kinalaman?

“Sinabi ko na sa kanya noon na kung mapapatunayan niya ang paratang niya, magre-resign kaagad ako. Nakalipas na po ang halos tatlong taon at wala namang napatunayan si Trillanes. Lahat ng mga ito ay nasagot ko na.

“Puro kasinungalingan ang pinapakain niya sa taumbayan… Kaysa makatulong, nilalason lang niya ang isipan ng mga Pilipino para sa kanyang pansariling interes,” ayon pa kay Go.

Sabi pa ng senador, lumalabas umanong nire-recycle lang ng dating senador ang mga alegasyong ibinabato sa kanya ni Trillanes.

“Ngayon na papalapit na naman ang eleksyon, nire-recycle na naman niya ang lumang fake news. Lumang tugtugin, lumang basurang itinatapon sa akin. Kumita na ‘yang style mo, Trillanes,” ani Go.

“Kumita na ang style mo na magtatapon ka ng maitim na putik para lang ikaw naman ang magmukhang maputi at malinis!” dugtong pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?