49

Sep 15, 2021 @ 15:03
By

Alegasyon ng overpricing sa Pharmally deal hindi galing sa COA

Nilinaw ng Commission on Audit (COA) na wala itong ulat na nagsasabi na overpriced ang biniling face mask ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) sa Pharmally Pharmaceutical Corp.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong Miyerkoles, sinabi ni COA chairperson Michael Aguinaldo na ang audit report ng ahensya sa PS-DBM ay karamihan tungkol sa inventory management.

“Ang masasabi ko lang po is wala po sa COA report ng PS-DBM ang statement na may overpricing po. There is no statement to that, that the observations related more to inventory management than overpricing. So hindi po tama na sabihing ang COA ang nagsabi na may overprice kasi wala pong sinabi nun dun sa report,” sabi ni Aguinaldo.

Mayroong mga alegasyon na mahal umano ang pagkakabili ng PS-DBM ng facemasks sa Pharmally, isang kompanya na iniuugnay kay Michael Yang, ang dating adviser on economic affairs ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagdinig, itinanggi rin ni Overall Ombudsman Warren Liong na overprice ang pagkakabili sa mga facemasks. Si Liong ang direktor ng PS-DBM nang mangyari ang P8.7 bilyong Pharmally deal.

Ayon kay Liong noong Marso 16, 2020 ay nagpalabas ng price freeze ang Department of Health (DOH) at itinakda sa P28 ang presyo ng facemasks. Nakabili umano ang gobyerno sa mas mababang presyo.

Ipinaliwanag ni Liong na sa ilalim ng Bayanihan 1 ay maaaring pumasok sa negotiated procurement ang gobyerno para mas mabilis na makabili ng mga pangangailangan lalo at mayroong kakapusan sa suplay.

Binibigyan umano ng exemption ng Bayanihan 1 ang pagbili ng gobyerno mula sa pagsunod sa Government Procurement Reform Act (Republic Act 9184).

“Under Bayanihan 1 we were allowed to directly negotiate but we still underwent market price analysis. Pinili po natin yung mga kayang makapag-deliver agad or at least at the nearest possible time, pinakamababang presyo base sa mga quotation na nakuha sa mga suppliers na kayang mag-deliver sa tamang oras and dapat po compliant sa technical specification ng DOH,” dagdag pa ni Liong.

Kinumpirma ni Aguinaldo ang exemption na ibinibigay ng Bayanihan 1 pero ginamit pa rin umano ng PS-DBM ang mas mahigpit na rules ng emergency procurement na nasa RA 9184.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?