45
oscar-albayalde-001
Apr 6, 2018 @ 19:32
By

Albayalde, makikipagtulungan sa war on drugs probe

Tiniyak ni incoming Philippine National Police (PNP) Chief Police Director Oscar Albayalde na itutuloy nila ang kanilang pakikipagtulungan sa PNP Internal Affairs Service (IAS) at Commission on Human Rights (CHR) sa pag-iimbestiga sa mga umano’y kuwestyunableng operasyon kontra droga ng gobyerno.

Ayon kay Albayalde,makikipagtulungan sila sa anumang imbestigasyon na gagawin ng anumang ahensiya ng gobyerno.

“We will continue on with the investigations. Lahat naman ng mga naging operation ng ating mga kapulisan ay patuloy na iniimbestigahan ‘yan ng ating IAS and CHR and we will cooperate fully doon sa mga nag-iimbestigang other agencies ng ating gobyerno,” sabi ni Albayalde.

Samantala, katulad aniya ni outgoing PNP Chief Ronal dela Rosa, hindi rin maipangako ni Albayalde ang pagiging “no blood” o walang mamamatay sa kanilang war on drugs.

Aniya, nakikita at napatunayan niya na raw na may mga nanlalaban sa kanilang mga ginagawang drug operation.

Pero siniguro niyang maiimbestigahan ito at handa rin silang magpaimbestiga sa kahit anumang investigating body.

Dagdag pa ni Albayalde, hindi sila magpapahinga sa pagsasagawa ng Oplan Tokhang na sinimulan sa pamumuno ni Dela Rosa dahil napakaganda aniya ng programang ito ng pamahalaan kaya hindi sila titigil sa pagsasagawa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?