Albayalde ibabandera ang PNP vs Ombudsman

Sharing is caring!

Mga Laro Bukas: (Pasig City Sports Center)
2 p.m. — GSIS vs Senate
3:30 p.m. — Ombudsman vs PNP
5 p.m. — Judiciary vs AFP

MAGHIHIWALAY ng landas ang Philippine National Police at Ombudsman sa pag-aagawan sa early lead ng UNTV Cup Off Season Executive Faceoff bukas sa Pasig City Sports Center.

Iinit ang hardcourt ganap na 3:30 ng hapon tampok ang nakapagpahingang Responders, binabanderahan ni PNP Chief Oscar Albayalde, na balak sundan ang 90-62 victory kontra defending champion Armed Forces of the Philippines noong Mayo 6.

“Kami ay nag-practice at pinaghandaan talaga namin ito,” kwento ni Albayalde. “Hopefully, manalo kami this year. But then again winning the game is only second to the love of game itself. Ang importante dito ay makapaglaro tayo ng mabuti and everyone will enjoy the game.”

Samantala, nais din ng Graft Busters na mapanatili ang winning form kasunod ng 76-57 victory laban sa Malacañang-Philippine Sports Commission Kamao noong isang linggo.

“I just tell the guys to continue improving especially ‘yung stamina namin kasi nga next game namin, PNP,” sambit ni Ombudsman coach Ricky Alcantara. “Sa nakita ko, ‘yun ang pinakamalakas talaga. So every game maasahan niyo kami na if there’s an opportunity, tatakbo kami nang tatakbo.”

Unang sasalang sa 2 p.m. showdown ang Senate Sentinels kontra GSIS Thunder Furies, pakay ng una ang ikalawang sunod na panalo habang unang salang naman ito ng huli.

Sa final game sa alas-5, babalikwas ang Cavaliers laban sa Judiciary Magis, pakay naman ang ikalawang dikit kasunod ng 73-58 win kontra Department of Justice Boosters nakaraang linggo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?