283

Oct 17, 2019 @ 16:29
By

Albayalde bumalik na sa kanyang bahay sa Pampanga

Nag-empake na ng kanyang gamit si dating Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde sa “White House”, ang opisyal na tirahan ng hepe ng kapulisan sa Camp Crame.

Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, pagkatapos na ianunsiyo ni Albayalde ang kanyang pagbaba sa puwesto noong Lunes ay nagsimula na itong magligpit ng kanyang mga gamit sa “White House”.

Wala na rin umano sa Camp Crame ang dating PNP chief dahil nanatili na ito sa kanyang bahay sa Pampanga.

Paliwanag ni Banac, maagang nagligpit ng kanyang mga gamit si Albayalde upang ihanda ang “White House” sa susunod na PNP chief na inaasahang iaanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte bago ang Oktubre 29, 2019.

Matatandaang nagbitiw si Albayalde dahil sa isyu ng drug recycling kung saan isinasangkot siya ng ilang dating heneral sa isinagawang Senate hearing.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?