pilipinas-2

Alao, Team Pilipinas San Beda U-14 kampeon sa Pacific Rim Cage

Sharing is caring!

Magiting na iwinagayway ng Team Pilipinas ang bandila ng tagumpay matapos na manaig laban sa mas malalaking katunggaling Thailand Chulalongkorn 50-40 sa isang mahigpitan at pisikal na bakbakan sa hardcourt upang angkinin ang korona ng Pacific Rim NCAA Basketball Championship Under-14 na idinaos sa homecourt ng kalaban na Chulalongkorn University Coliseum sa Bangkok, Thailand kamakalawa ng gabi.

Nalagasan man sa tao dahil sa injuries, nanindigan ang mga nalalabing bayani ng pambansang koponan para makipagsabayan sa gulangang taktika ng host team at kanya-kanyang papel ang ginampanan para maiuwi ang karangalan bunga ng determinasyon, tapang at pagmamahal sa bayan.

Pinamunuan ni San Beda Taytay frontliner Prince Ray Alao ang pananalasa sa puwersa ng Thai squad sa kanyang madulas na opensa sa kabuuan ng laro upang tanghalin siyang Most Valuable Player [MVP]ng prestihiyosong torneo na nilahukan ng mga bansang sakop ng Pacific Rim.

Naging matalas at mahusay ang pag-orchestrate ng play ni spitfire Lanze Ronquillo at ang malagkit na depensa nina Nathaniel Manarang na umeksena rin sa opensa, Cole Bathan at Deandre Largueza sa kabilang dulo na kumontrol sa star player ng Thais upang matapatan ang pisikal na estilo ng punong-abalang katunggali bukod pa sa pagbalewala sa mga kantyaw ng homecrowd sa Bangkok.

Pumutok din ang opensa nina Yco Protacio, Toncchie Conde, Dexter Alapar, Marlion Alcera, Red Caidic at role plays nina Jabez Lirazan at Marcus Espiritu para sa kalat na produksiyon ng bataan ni coach Manu Iñigo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?