831

Jan 27, 2020 @ 17:32
By

ALAMIN: Sino si Vanessa Bryant?

Umulan ng panalangin para kay Vanessa Bryant, na naulila ng kanyang asawang si Kobe at anak na si Gigi.

Pumanaw kasi ang dalawa, kasama ang pitong iba pa, sa helicopter crash nitong Lunes (Manila time), Enero 27, 2020, sa Calabasas, California.

Narito ang limang detalye tungkol kay Vanessa:

1. Private siyang tao. Naka-private man ang Instagram account ng asawa ni Black Mamba, meron itong 1.4 milyong followers. Dati itong American model at lumabas sa ilang music video.

2. Katatapos niya lang ng high school nang ikasal kay Kobe. Edad 17 siya nang makilala ang noo’y 21-anyos na basketball player. Taong 1999 sila nagkakilala, at nag-propose si Kobe anim na buwan matapos iyon. Naghintay din sila ng dalawang taon, 2001, upang makapagtapos ng high school si Vanessa at tuluyan silang makapagpakasal.

3. Hindi niya iniwan si Kobe kahit nagkaroon ito ng sexual assault case. Taong 2003 nang maakusahan si Kobe ng pangre-rape ng isang babae sa Colorado. Taong 2004 nang mabasura ang kaso gayong hindi na pinagpatuloy ng biktima ang paglilitis. Giniit ni Kobe na consensual ang naging sex nila at nag-sorry sa pangangaliwa kay Vanessa.

4. Muntik na silang mag-divorce ni Kobe. “Irreconcilable differences” ang sinabing dahilan kung bakit naghain siya ng diborsyo sa lalaki noong 2011, ngunit inanunsiyo nila noong 2013 na hindi na nila itutuloy ang paghihiwalay.

5. May apat silang babaeng anak ni Kobe. Enero 2003 pinanganak ang panganay na si Natalia Diamante; Mayo 2006 ang pumanaw din na si Gianna Maria-Onore; Disyembre 2016 sinilang si Bianka Bella; at Hunyo 2019 si Capri Kobe.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?