404

Oct 24, 2019 @ 19:23
By

Alamin: Sino si Diosdado Peralta, ang bagong Chief Justice?

Itinalaga na nga si Diosdado Peralta bilang bagong punong mahistrado ng Korte Suprema kapalit ni Lucas Bersamin na nagretiro nito lamang Oktubre 18.

Tatlong dekada nang nagtatrabaho si Peralta sa gobyerno.

Nagsimula siya bilang fiscal noong 1987 sa kinalakihan niyang Laoag City sa Ilocos Norte.

Naging prosekyutor siya sa Maynila noong 1988.

Naging assistant chief of the investigation division din si Peralta sa Office of the City Prosecutor sa mga unang buwan ng 1994.

Bago magtapos ang taong 1994 ay hinirang si Peralta bilang judge sa Quezon City Regional Trial Court Branch 95, ang itinalagang special criminal court sa heinous crimes at drug cases.

Noong 1999, nakilala si Peralta ng Integrated Bar of the Philippines’ Quezon City chapter dahil sa kanyang “speedy and scholarly disposition of criminal cases.”

2002 naman nang maging Sandiganbayan associate justice si Peralta at naging presiding justice noong 2008.

Enero 13, 2009, nang italaga si Peralta bilang SC justice ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Bago tuluyang maging punong mahistrado ay tatlong beses itong nag-apply sa posisyon.

Nagtapos si Peralta ng law degree sa University of Santo Tomas noong 1979 at kumuha ng Bar noong 1980.

Ang kanyang asawa ay si Fernanda Lampas Peralta na isang Court of Appeals Associate Justice.

Noong 2002, pinarangalan si Peralta ng Judicial Excellence Awards o Chief Justice Ramon Avanceña Award bilang Outstanding Regional Trial Court Judge.

Bukod sa pag-aabogasya, nagtuturo rin si Peralta ng criminal law at remedial law sa ilang unibersidad tulad ng UST Faculty of Civil Law, Ateneo Law School, San Beda College of Law, University of the East at University of the Philippines Law Center.

Bago pa man manilbihan si Peralta sa gobyerno ay nagtrabaho muna ito bilang production analyst ng Cosmos Bottling Corporation noong 1974 at operating supervisor sa Widsom Management Inc. noon namang 1975.

Naging general manager din siya sa Ace Agro Development Corporation at vice president ng Cypress Agricultural Development Corporation.

Si Peralta ay higit na nakilala sa ponente nito sa kontrobersiyal na SC decision na payagang ilibing sa hero’s burial ang dating diktator na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Siya rin ang nagsulat ng desisyon na nagpapahintulot ng plea bargaining sa small-time drug cases.

Sa Marso 27, 2022, sa mismo niyang kaarawan, nakatakda ang kanyang pagreretiro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?