73

Jul 27, 2021 @ 11:03

ALAMIN: P10M premyo mula sa PSC, kailan naisabatas?

Tumataginting na P33 milyon agad ang naghihintay kay Hidilyn Diaz pagkauwi niya sa bansa matapos magwagi ng Olympic gold.

Sa halagang ito, P10 milyon ang mula sa MVP Sports Foundation, P10 milyon mula kay San Miguel Corporation President at CEO Ramon S. Ang, at P3 milyon mula kay Rep. Mikee Romero.

Ang natitirang P10 milyon naman ay magmumula sa pamahalaan, particular, mula sa Philippine Sports Commission (PSC).

Ang naturang halaga mula sa PSC ay naisabatas noong 2015, sa bisa ng Republic Act No. 10699 na pinirmahan ni yumaong dating pangulo Benigno S. Aquino III.

Ang batas ay kilala rin bilang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.”

Dahil sa batas na ito, ang mag-uuwi ng Olympic gold ay bibigyan ng PSC ng P10 milyon at Olympic gold medal of Valor.

Sa ilalim din ng batas na ito ay maging ang silver at bronze medalists ng OIympics ay magiging milyonaryo rin.

Bukod pa rito, may cash prize din ang mag-uuwi ng medalya mula sa iba pang international competition gaya ng Asian at Southeast Asian Games.

Hindi rin lang mga atleta kundi maging coaches ay may premyo rin.

At bukod pa sa incentives kapag nanalo, ang mga atleta ay mayroon ding mga benepisyo gaya ng scholarship, retirement benefits, health benefits, discount at death benefits.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?