215

Jul 20, 2021 @ 19:05
By

ALAMIN: Mga sintomas ng Delta variant

Nakapasok na sa Pilipinas ang mas mabagsik na Delta variant ng COVID-19.

Ayon sa Department of Health, 35 Pilipino na ang tinamaan nito sa Pilipinas, tatlo ang kumpirmadong nasawi.

Pinaniniwalaang 60 porsiyentong mas nakahahawa ang Delta variant kumpara sa orihinal na variant mula sa Wuhan, China, at may iba ring sintomas.

Sa orihinal na variant, kadalasang sintomas ay tuyong ubo, lagnat, pagkapagod, hirap sa paghinga, walang panlasa at pang-amoy.

May iba namang sintomas ang Delta variant, ayon kay Dr. Inci Yildirim, isang Yale Medicine pediatric infectious diseases specialist at vaccinologist.

Aniya, ang karaniwang sintomas ng Delta variant ay pananakit ng ulo, pamamaga ng lalamunan, sipon at lagnat, batay sa mga survey sa United Kingdom, kung saan 90% ng mga COVID case ay dulot ng Delta strain.

Ayon sa World Health Organization, may mga paraan pa rin upang protektahan ang sarili laban sa Delta variant.

Maliban sa madalas na paghuhugas ng mga kamay, pagsusuot ng face mask at social distancing, ang tamang bentilasyon ang susi sa pag-iwas sa impeksyon at pagpapabakuna.

Kung nasa loob na lugar o indoor place, tiyaking may maayos itong bentilasyon. Mas mahusay na daloy ng hangin, mas mababa ang tsansang makakuha ng virus.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?