35

Oct 12, 2020 @ 11:19
By

ALAMIN: Mga record na giniba ni LeBron sa Lakers championship

“I want my damn respect too.”

‘Yan ang winika ni four-time NBA MVP LeBron James matapos sungkitin ang kanyang ika-apat na kampeonato sa NBA, klarong patama sa kanyang mga kritiko na pinagsawalang-bahala ang kanyang mga naging tagumpay sa liga.

Sa edad na 35—17 taon na sa NBA—hindi pa tapos sa paghakot ng mga awards si ‘King James’, na pinatunayang nararapat lang ang kanyang pangalan para maihanay sa mga legend ng liga.

Sa nagdaang NBA Finals, ilang record din ang winasak ni LeBron kung saan ilan dito ay pumantay na sa tinuturing na ‘GOAT’ ng NBA na si Michael Jordan.

Ayon sa NBA history, si LeBron ang ikalawang manlalaro na nakasungkit ng tig-apat na Finals MVP at regular season MVP award, kung saan ang huli pang nakakuha nito ay si MJ.

Bukod pa dito, si ‘King James’ din ang natatanging superstar na nakasungkit ng kampeonato sa tatlong magkakaibang franchise (Los Angeles Lakers, Miami Heat at Cleveland Cavaliers).

Naungusan din ni LeBron ang isa pang Lakers household name na si Derek Fisher sa may pinakamaraming nilaro sa NBA playoffs, kung saan sumalang na ang una sa kanyang ika-270 game sa postseason.

Sa naturang laro din, ibinuslo ni James ang kanyang ika-285 free throw sa Finals, ikatlo sa NBA Finals history kung saan nilampasan niya si Magic Johnson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?