149

Jul 28, 2021 @ 16:44
By

ALAMIN: Mga pagsubok, tagumpay ni Hidilyn Diaz

Literal na dugo’t pawis ang kinailangang ibigay ni first Filipina Olympian Hidilyn Diaz upang marating ang rurok ng tagumpay kung nasaan siya ngayon.

Bago pa man kasi makilala sa weightliftng scene sa bansa, maraming sumubok at naging hadlang sa pangarap ng atleta — maging ang kaniyang sariling pamilya.

Kuwento ng ina ng 30-anyos na weightlifter na si Emelita, bata pa lamang si Hidilyn nang magpakita ito ng interes sa pagbubuhat ng barbel.

Sambit niya, tutol siya sa kagustuhan na ito ni Hidilyn dahil panglalaki aniya ang weightlifting.

“Pinigilan ko noong una. Sinasabi ko, hindi [‘yan] pambabae, panglalaki lang ‘yang weightlifting kasi mabigat,” pahayag nito sa isang panayam ng Frontline Philippines.

Ngunit walang nakapigil sa tubong Zamboanga na atleta.

Unang sumabak sa Olympics si Diaz taong 2008 kung saan nagtapos siya bilang pangalawa sa pinakahuli ngunit hindi nagsilbing sinyales ang kanyang pagkatalo upang huminto.

Taong 2012 nang lumahok muli ang Pinay sa Summer Olympics na ginanap sa London, pero bigo siyang magawa ang 118kg clean and jerk.

Pagdating ng 2015 at 2016, kabilaang patimpalak ang sinalihang muli ng atleta. Nakamit nito ang gintong medalya sa 1st Southeast Asian Weightlifting Championship sa Bangkok noong 2015 at bronze medal naman noong 2016.

Nasungkit din ni Diaz ang tatlo pang bronze medal matapos sumali sa clean, jerk at snatch events sa IWF World Weightlifting Championship sa Houston Texas, dahilan para makasali siya sa 2016 Rio Olympics.

Dumating ang 2016 Summer Olympics sa Rio de Janeiro at nakuha ni Diaz ang silver medal sa ilalim ng 53-kg category.

Hindi pa roon natapos ang winning streak ng atleta dahil nakakuha muli siya ng silver at gold medal matapos magpakitang gilas sa ika-30 Southeast Asian Games na ginanap sa bansa.

Sa kaparehong taon din pinutakte ng pangba-bash at paninira ang weightlifter. Ito ay matapos niyang mag-post at manghingi ng tulong sa national government kaugnay sa kakulangan niya sa financial support.

Ang tulong pinansyal sanang makukuha niya ay gagamitin sana sa pag-eensayo niya para sa Tokyo Olympics 2020. Sa halip, kaliwa’t kanang paratang ang kanyang natanggap.

Taong 2019 din nang naging matunog ang pangalan ng atleta matapos niyang madawit sa Oust Duterte Matrix at druglist na ipinresenta ni dating presidential spokesman Salvador Panelo.

Lalo pang nawindang, hindi lang ang weighlifting, kundi ang buong sports scene dahil sa pandemya kung saan ipinatigil ang lahat ng uri ng pagtitipon.

Sa loob ng higit isang taon, nag-ensayo si Hidilyn sa Malaysia upang paghandaan ang naunsyaming Tokyo Olympics 2020.

Nito nga lang Lunes, Hulyo 26, nang magbunga ang lahat ng pinaghirapan ng Pinay weightlifter.

Nakamit lang naman niya ang kauna-unahang Philippine Olympic gold medal matapos manguna sa Weiglifting sa ilalim ng 55-kg category.

Kaugnay nito, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na malaking reward ang ibibigay ng pamahalaan kay Diaz.

“Milyun-milyon po ang pinangako ng Presidente para doon sa makakamit ng gintong medalya, ” anang tagapagsalita kahapon sa isang press briefing.

“Hidilyn truly deserves it. Kung anuman ang pagkukulang sa training, I’m sure mababawi po lahat iyan sa generosity hindi lamang po ng pamahalaan kundi pati ng pribadong sektor dahil she truly made us proud,” dagdag pa niya.

Bukod sa incentive na makukuha ng dalaga mula sa gobyerno, kasalukuyang kaliwa’t kanan nang mga pribadong kumpanya ang nagbibigay ng regalong salapi at pabahay sa atleta para sa maksaysayang ginawa nito para sa bansa.

Nakatakdang umuwi ang Pinay Olympian ngayong Miyerkoles kasama ang Pinay skateboarder Olympic finalist na si Margielyn Didal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?