207

Mar 7, 2020 @ 17:32
By

Alamin: Ano ang ‘Code Red’ na tinaas ng DOH sa coronavirus

Tinaas nitong Sabado ng Department of Health (DOH) ang coronavirus disease (COVID-19) alert sa “Code Red Sub-level 1” matapos kumpirmahin ang unang kaso ng local transmission sa bansa.

Sa isinagawang press conference, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque, na ang Code Red Sub-Level 1 ay “preemptive call” para masiguro na makapaghahanda ang national at local government, at mga public at private healthcare provider sa posibleng pagtaas pa ng bilang ng mga hinihinala at may kumpirmadong kaso ng virus.

Sa ilalim ng sistema ng DOH, ibig sabihin ng Code Red, lahat ng hospital personnel ay obligadong mag-duty at available sa deployment.

Bunsod din ng naturang alert level, inirekomenda ni Duque sa Malacañang ang pagdedeklara ng state of public health emergency.

Ito umano ay para mas mapadali ang paglalabas ng pondo partikular na sa mga local government unit at proseso ng procurement, mandatory reporting, mandatory quarantine at travel restriction.

Sa kasalukuyan, Marso 7 ay may anim nang COVID-19 infected sa Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?