96

Feb 13, 2020 @ 16:57
By

ALAMIN: 5 maling paniniwala sa condoms

Pinagdiriwang ang “International Condom Day” ngayong Huwebes, Pebrero 13, 2020.

Sinimulan ng AIDS Healthcare Foundation noong 2009, layon ng “International Condom Day”–kaugnay sa taunang Valentine’s Day–na bawasan ang pagkalat ng human immunodeficiency virus (HIV) sexually-transmitted infection (STI), at sexually-transmitted disease (STD) sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga libreng condom, at awareness events at activities tungkol sa safe sex.

Dahil dyan, narito ang limang maling paniniwala tungkol sa mga condom na dapat nang basagin.

Kinuha ang mga impormasyon mula sa Friends of UNFPA, NHS UK, Teen Vogue, Verywell Health, at International Planned Parenthood Federation:

1. “Madaling masira o dumulas ang mga condom.”

98% ang prevention rate ng mga condom sa mga STI kabilang ang HIV kapag ginamit nang maayos: kapag maingat na binuksan, pinasok sa matigas o nakatayong penis, at may sapat na water-based lubricant. Mag-ingat sa pagbukas ng lalagyan kung may matulis na kuko, ngipin, o alahas.

May mahigpit ding patnubay ang mga condom manufacturer para tiyaking laging ligtas at epektibo ang kanilang mga produkto. Dagdag pa, siguraduhing ang gagamiting condom ay pasok pa sa nakasaad na petsa ng paggamit; hindi sira ang selyo, at walang sira sa mismong condom.

2. “Hindi masarap makipag-sex kapag may suot na condom.”

Maraming condom na meron nang lubricant, at may iba pang dagdag na feature ang ibang condom para mas mapasarap ang sensation ng sex. May mga mabibilhang water-based lubricant sa mga pharmacy o supermarket.

Ayon sa mga health expert, mas mainam ang sex kung hindi nag-aalala ang mga makikipag-sex sa paghawa ng STI at hindi-sadyang pagbubuntis.

3. “Mas protektado kapag dalawang condom ang sinuot.”

Kapag sabay na ginamit ang dalawang condom, titindi ang friction na maaaring magresulta sa pagkapunit o pagkasira ng isa o parehong condoms. Hindi rin dapat gamitin ang male condom kasabay ng female condom sa parehong dahilan.

Isa lang dapat ang gamiting condom at dapat suotin ito nang maayos.

4. “Para lang sa girl-boy sex / casual sex ang mga condom.”

Sinuman ay pwedeng magkaroon ng STD. Angkop na contraceptive method sa lahat ang condoms, ano man ang marital status o sexual behavior.

5. “Hindi kailangan ng condom para sa oral sex.”

Napapasa ang ilang STI gaya ng gonorrhoea, chlamydia at herpes sa pamamagitan ng oral sex, kaya kailangan pa ring gumamit ng condom kapag ginagawa ito.

May mga dental dam para sa vaginal oral sex, na mabibili sa mga drugstore.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?