292

Mar 20, 2020 @ 6:57
By

Alabang ‘di pasaway sa COVID-19 lockdown

Walang pasaway sa sosyal na Alabang Hills Village nang mag-anunisyo ito ng mahigpit na lockdown sa subdivision matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang dalawa nilang babaeng residente.

Agad naglabas ng bulletin ang Alabang Hills Village Association para ipaalam sa mga residente ang nangyari kaya sila nilockdown kahapon ng madaling araw, Marso 19.

Sa lockdown, hindi sila maaaring lumabas ng kanilang mga tahanan maliban na lang kung bibili ng gamot o pagkain.

Nilinaw nitong isang beses at isang tao lamang sa isang araw ang maaring lumabas para bumili ng mga groceries o gamot. Ultimo jogging, biking at paglalakad ng aso ay pinagbabawal kahit na maluluwang ang mga kalye rito.

Sinabi ni AHVA president Amante Caronongan sa mga residente kung saan nakuha ng dalawang babae ang COVID-19.

Pinayuhan din niya ang mga residente na ipaalam sa grupo sakaling makaramdam sila ng sintomas ng naturang sakit, o kung may nakahalubilo silang mga person under investigation o person under monitoring, at agad magsagawa ng home quarantine procedures para mabigyan ng proteksyon ang mga kasama nila sa bahay.

Nag-set up din ang homeowners association ng tirahan para sa 21 na security guard nito at nanawagan sa mga residente ng donasyon para sa kanila habang hindi sila makauuwi sa kanilang mga bahay.

Bukod sa canned goods, bigas at toiletries, nakiusap din ito para sa donasyon ng vitamins at face mask para sa kaligtasan ng kalusugan ng kanilang mga sekyu.

Gumawa na rin sila ng official Viber group para mas mabilis maa-update ang mga residente sa mga development.

Pinaintindi ng AHVA na isasara ang isa nitong gate na kumokonekta sa BF Parañaque at hindi ito madadaanan kahit ng mga residente.

Pinuri ng mga netizen ang transparency ng AHVA.

Ang isang residente, si CristinaLCris, natuwa sa mga hakbang na ginagawa ng kanilang homeowners association.

“Our village communication and structure is very strong. We are blessed with spaces in our village and so our duty is to follow the rules of “stay-at-home.” Our co-residents are as well very cooperative,” sabi ni CristinaLCris sa Alabang Bulletin Facebook page.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?