77

Dec 16, 2017 @ 18:44

Alab Pilipinas, naka-1 sa Formosa Dreamers

Sa wakas ay nakatikim din ng panalo sa apat na pagtatangka ang Tanduay Alab Pilipinas matapos pataubin ang Formosa Dreamers ng Taiwan, 78-61, ngayong Sabado, Disyembre 16 sa Changhua County Stadium sa Changhua City.

Naghari si Reggie Okosa sa koponan ng Pilipinas sa naiposteng 19 points at 19 rebounds.

Nanalo ang Alab na wala ang kanilang world import na si Ivan Johnson dahil sa injury sa likod pero lumagare si Okosa para punan ang pagkawala nito.

May parehong 12 points na itinulong sina Ray Parks at Josh Urbiztondo sa Philippine team.

“We just really had to get the win. It was a must-win for us. We lost two games against the champions (Hong Kong) and one game against the runner-up (Singapore),” ani Okosa matapos ang laro kung saan ay pinatutungkulan nito ang 0-3 record ng Alab sa pagharap sa Formosa Dreamers.

Maagang nagpakawala ng 9-0 run ang Pinoy at nangbasag sa unang home game ng Dreamers.

Nahirapan ang ibang players ng Dreamers na makabuslo at tanging si Lenny Daniel lamang ang bumuhay sa opensa ng koponan sa 19 points, walong rebounds at tatlong blocks na naitala.

Inalat sa shooting ng Dreamers sina Cheng Chi Kuan na may 4-for-13, Chen Yu Han, 1-for-10, at Chou Tzu Hua, 2-for-7. Maging ang world import nilang si Jaleel Cousins nakatulong lamang ng 10 puntos at siyam na rebounds.

Ilang beses na muntik makahabol ng Formosa ngunit kada bulusok nila ay agad binabasag ng Alab.

Dahil sa panalo ay may 1-3 kartada na ang Alab Pilipinas kapantay ng Dreamers.

Kailangan namang gumising ang Formosa dahil haharapin pa nila sa Linggo ang defending champions Hong Kong Eastern Basketball Team.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?