216

Dec 25, 2017 @ 12:16
By

Akyat-bahay umiskor sa bisperas ng Pasko

Dumulog sa tanggapan ng Sampaloc Police Station 4 ng Manila Police District (MPD) ang biktimang si Hanna Dominique Daileg, 23-anyos, isang nurse, para isumbong ang umano’y panloloob sa kanyang tirahan sa Dapitan St., Sampaloc, Manila.

Nangyari ang insidente sa bisperas ng Araw ng Pasko kung saan pag-uwi umano niya galing trabaho ay nadiskubre niyang bukas na ang pinto sa ikalawang palapag ng apartment na kanyang nirerentahan.

Batay naman sa inisyal na imbestigasyon nina P03 Joy Alcoriza at P03 Dindo Encina, nabatid na kabilang sa mga nilimas ng magnanakaw ay ang mga nakatagong alahas ng biktima sa kanyang cabinet na nagkakahalaga ng mahigit P60K.

Gayunman sa ocular investigation ng mga pulis ay personal na kinilala ni Daileg ang suspek na palagian umanong nakatambay sa lugar.

Dito ay kaagad na nagkasa ng operasyon ang operatiba ng MPD at inaresto ang hindi pa pinangalanang suspek. Narekober sa suspek ang mga ninakaw na alahas ng biktima.

Inihahanda na ng mga pulis ang kasong robbery na isasampa laban dito sa Manila Prosecutor’s Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?