57

By

Akyat-bahay, tiklo sa CCTV

Arestado ang isang akyat-bahay habang nakatakas ang dalawa nitong kasama matapos kumana sa bahay ng negosyante sa Malabon City kahapon ng umaga.

Ayon kay PO2 Junny Delgaldo, ng Malabon City Police, alas-11:00 ng umaga ninakawan ng mga suspek ang bahay ng biktimang si Phelonita Fortes, 35-anyos, at residente ng Manapat St., Barangay Tanong.

Sa fire exit umano dumaan ang nasa tatlong suspek kabilang na ang nahuli na si Martin Joseph Zaragosa, nasa hustong gulang at residente ng Tongco St., Barangay Bagumbayan South, Navotas City.

Nabuking ang panloloob matapos mapansin ng mag-anak na biktima ang nakabukas nilang main door kung saan lumabas ang mga suspek at saka nila tinignan sa CCTV.

Agad silang nagpasaklolo sa pulisya na ikinadakip ni Zaragosa ngunit hindi na naabutan ang dalawa pa.

Hindi pa naibalik ang mga nakulimbat ng mga salarin na isang iPad wave 8 na nagkakahalagang P10,800; branded na bag na nagkakahalagang P3,500; mga cellphone, assorted groceries na may halagang P4,000, at perang nasa mahigit P5,000. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?