By

Akusadong recruiter ng Maute-ISIS, iginiit na ibasura ang kaso sa kanya

Sharing is caring!

Ipinababasura ng babaeng akusado na recruiter ng mga foreign fighter para tumulong sa grupong Maute-ISIS sa pakikipagbakbakan sa Marawi City ang reklamong inihain laban sa kanya ng National Bureau of Investigation (NBI).

Si Karen Aizha Hamidon ay humarap sa pagdinig na pinangunahan ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong para magsumite ng counter affidavit sa reklamong rebelyon o inciting to rebellion in relation to Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012 na inihain ng NBI-Counter Terrorism Division.

Si Hamidon ay inaakusahang nagre-recruit ng mga foreign fighter sa pamamagitan ng social media.

Pero sa kanyang anim na pahinang kontra-salaysay, iginiit ni Hamidon na wala namang katibayan ang NBI na siya ang sumulat ng mga nakitang social media posts sa isang account ng Telegram messaging application.

Katunayan, hindi umano makikita sa social media posts ng Telegram account ang pangalang Karen Aisha Abuan Hamidon at kahit sino naman ay maaaring mapasok ang isang account kung alam ang password.

Kinuwestiyon pa niya ang paraan ng NBI nang pasukin ang kanyang condo unit sa Taguig City dahil sa halip na unang iprisinta ang search warrant ay nagpakilala sila na mula sa Grab Express at may hinahanap na confirmation code na ipinadala raw sa kanyang cellphone.

Nang ipakita niya ang confirmation code ay inaresto na siya, pinosasan at hinalughog na ng NBI ang kanyang unit.

Nang may masamsam nang mga ebidensiya, doon pa lamang umano sa kanya ipinakita ang search warrant at saka binasahan ng Miranda rights.

Sinabi pa ni Hamidon na tatlong beses na siyang naaresto ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at ng Air Force Intelligence Service Group, pero siya ay pinakawalan din dahil sa kawalan ng ebidensiya.

Idinagdag pa ni Hamidon, na hindi niya mapagtataksilan ang gobyerno dahil kung tutuusin, siya umano ay may utang na loob sa pamahalaan dahil ang kanyang mga magulang ay parehong mga pulis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?