174

By

Aktwal na paghagis ng granada sa isang restaurant huli sa CCTV

Isa ang naitalang nasugatan sa naganap na pagsabog sa isang restaurant sa San Miguel, Manila.

Kita sa CCTV na inihagis ng isang lalaking sakay sa motorsiklo ang granada sa harap ng C-Food restaurant ng isang Macario Tinio, kahapon (Setyembre 14), dakong alas-3 ng hapon.

Matatagpuan ang naturang resto sa kanto ng 5th Street at Concepcion Aguila Street sa Brgy.638 San Miguel, Manila.

Ibinahagi ng Manila Police District Public Information Office ang kuha ng CCTV sa naturang barangay kung saan ay makikita ang pagdaan ng mga sasakyan sa harap ng nasabing restaurant hanggang sa mamataan ang aktwal na paghahagis ng granada ng isang lalaking sakay ng motorsiklo.

Ayon sa imaheng nakuha sa CCTV, ang suspek ay nakasuot ng itim na long sleeves at natatakluban ang mukha nito ng suot na helmet.

Nabatid na nakatanggap ng banta ang may-ari ng restaurant sa pamamagitan ng text message.

Tinitingnan ng mga kapulisan na away sa negosyo ang motibo ng pagpapasabog.

Napag-alaman na bukod sa paghahagis ng granada ay hinagisan din ng martilyo ang bintana ng naturang establisyimento.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?