119

Jun 21, 2020 @ 15:52

Aktor sinumbatan ng padrino

Dahil sa kanilang kabuhayan showcase ay natural lang na kani-kanyang gawa ng paraan ngayon para mabuhay ang maraming personalidad na nawalan ng trabaho.

Pag-aartista lang kasi ang alam nilang trabaho, kakaunting artista ang maaga pa lang ay nakapaghanda na sa kanilang kinabukasan, kaya nagtayo na agad ng negosyo.

Kuwento ng aming source, “May kilala akong isang male personality na nakikiusap sa mga friends niya para maikuha siya ng trabaho sa istasyon na dati nang kumukuha sa kanya, pero hindi niya pinapansin ang offer.

“Marami kasi siyang work nu’n, halos wala na siyang pahinga, pagkatapos ng isang serye, e, meron na naman siyang ginagawa!

“Kung minsan nga, e, nagkakasabay pa ang serye niya, nag-o-overlap, patay na siya sa isang serye, pero buhay na buhay ang character niya sa bagong palabas na kasali siya!

“Hindi niya pinapansin ang mga alok nu’n sa kabila, deadma lang siya! Pero ngayon, heto na,” bitin na umpisa ng aming source.

Nagka-lockdown, matinding pahirap na ‘yun dahil ipinagbawal ang pagtatrabaho, walang kita ang male personality. Puro palabas ang datung niya, walang pumapasok.

“Heto na, after two months, ang pinakamatinding paghamon naman ang dumating sa kanya, wala na pala siyang babalikang trabaho talaga, dahil naipasarado ang network nila!

“‘Yun na! Du’n talaga siya nangarag! Paano na ang kabuhayan showcase niya, siya lang ang inaasahan ng pamilya niya, ano na ang mangyayari!

“Naisipan niyang tawagan ang isang friend niyang artista ng kabilang istasyon, nagpapapadrino siya, baka raw naman puwede na siyang gumawa ng programa du’n?

“Panunumbat ang tinanggap niya, sabi ng friend niya, ‘Nu’n ka pa inaalok na magtrabaho sa amin, pero deadma ka lang! Wala kang panahon, wala kang time, kasi nga, in-demand ka sa station n’yo!’

“Ewan kung saan siya pupunta ngayon, sayang naman ang talent niya, hindi lang naman kasi siya guwapo, magaling pa siyang umarte!

“Paano na siya ngayon? Panalo pa naman ang acting niya, puwede siyang bida-kontrabida!” pagtatapos ng aming impormante.

Cuneta lumabas ang pangil

Ano bang dumudugo pa ang sugat ng buong mundo ngayon dahil sa COVID-19? Walang pakialam du’n si Sharon Cuneta, tatayo siya sa kahit anong kundisyon ng kapaligiran para ipagtanggol ang kanyang mga anak, wala siyang sinasantong panahon.

At kauna-unawa naman ang kanyang ipinaglalaban, isang bastos na kababayan natin ang nagsabing kung bata-bata pa lang ito ay siguradong gahasa ang aabutin ni Frankie Pangilinan mula sa kanya, kaya nag-umalpas ang sobrang galit ng Megastar.

Kahit naman sinong ina at ganu’n ang mararamdaman, Isang anak na sabi nga sa isang gasgas nang linya ay ni hindi ipinakagat sa lamok ng kanyang mga magulang ang basta na lang babastusin nang paganu’n ng isang taong ni walang kahirap-hirap sa pagpapalaki sa dalaga?

Ayun, lumabas ang magkabilang pangil ni Sharon Cuneta para ipagtanggol ang kanyang anak na ang tanging kasalanan lang naman, kung kasalanan mang maituturing ang ganu’n ay ang maglabas ng kanyang personal na opinyon tungkol sa mga demonyong rapist.

Nakatikim ito ng pinakamasasakit na salita mula sa isang inang sobrang mapagmahal sa kanyang mga anak. ‘Yun naman ang palaging pakiusap ng aktres, saktan na siya, huwag lang ang kanyang mga anak na walang kalaban-laban.

At kailan pa naging tama ang panggagahasa? Kailan pa naging wasto ang pagbabantang rereypin ang isang babae kapag nagkita sila?

Mahaba ang pisi ng pasensiya ni Sharon Cuneta, pero pagdating sa kapakanan ng kanyang mga anak ay nagpapakilala siya bilang isang Gabriela Silang ng kasalukuyang panahon, wala siyang inuurungan!

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?