47

Apr 8, 2021 @ 19:26
By

Aksiyon, hindi photo ops ang kailangan kay Duterte – Gabriela

Hindi umano photo ops (photo opportunity) ang kailangan ng publiko kay Pangulong Rodrigo Duterte kundi aksiyon para matugunan ang mga hinaharap na problema ng bansa.

Sinabi ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na special session at hindi private session ang dapat na ipatawag ni Duterte para makagawa ng hakbang ang Kongreso at matulungan ang mga naghihirap na Pilipino.

“Mahigit isang linggo na, missing in action pa rin si Pangulong Duterte. Umaapaw na ang mga ospital, gutom na ang mamamayan dahil sa kakarampot na ayuda, pero photo ops lang ang ibinigay ng Palasyo,” ani Brosas.

Isinusulong ni Brosas ang pagpasa ng P10,000 ayuda sa mga mahihirap na pamilya.

Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate dapat at palaging nasa unahan sa pagtugon sa mga problema.

“Ang isang Pangulo ay dapat nasa unahan para ipakita niya na he is on top of the situation. But, it appears, he’s just there, sitting on the situation. Nagpo-photo ops lang,” ani Zarate.

Para naman kay Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat walang makitang tugon ang mga Pilipino mula sa Pangulo.

“Malinaw na di natin nakikita ang tugon ng ating Presidente na dapat kung ano man ang problema sa bansa, dapat siya ang nakikita na nasa unahan kung paano ito bibigyan ng solusyon. Sa ganitong sitwasyon ng bansa, malinaw na buong bayan ang naghahanap sa kanya,” wika ni Cullamat.

Nag-post ng litrato ng Pangulo si Sen. Christopher Go upang kontrahin ang mga haka-haka na mayroon itong sakit matapos na kanselahin ang kanyang lingguhang Talk to the People.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?