625

By

Ako ba ang bumili ng Dengvaxia? – Acosta sa buwelta nina Hontiveros, Duque

Binalikan ng banat ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta sina Senadora Risa Hontiveros at Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque na nagbunton sa kaniya ng sisi kaugnay ng pagkatakot ng marami na pabakunahan ang mga anak.

Ayon kay Acosta, marami ang hindi nabakunahan dahil sa “under distribution” ng bakuna ng DOH mula 2014 hanggang 2017 batay sa ulat ng Commission on Audit (COA).

Idiniin na dapat itong ipaliwanag ng DOH at dapat alam din ni Hontiveros bilang kasapi ng Senate Committee on Health.

Pinagbibitiw ni Hontiveros si Acosta dahil tinakot umano nito ang marami sa bakuna dahil sa umano ay wala sa lugar na pag-iingay ukol sa bakunang Dengvaxia.

“Bakit, ako ba ang bumili ng Dengvaxia? Itanong mo nga sa kaniya? Senadora siya, dapat alam niya na nung 2014 hanggang 2017 ay may under distribution ng measles vaccine, pati sa polio. Almost 30 percent ng mga bata hindi nabakunahan, Umabot ng dalawang milyong bata ang hindi nabakunahan,” sabi ni Acosta sa panayam ng Super Radyo DZBB.

Idiniin naman na trabaho ng DOH sa pangunguna ni Duque na manghikayat sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak.

“Ang mga magulang nga, dapat idemanda ang mga taga-DOH na responsible sa under distribution ng measles vaccine,” sabi pa ni Acosta sa panayam.

“Sa DOH, gawin nyo ang trabaho ninyo. Ang DOH ang ikampanya nyo ang mga subok na bakuna,” giit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?