154

Oct 25, 2018 @ 18:53
By

Aklan Mayor sinuspende ng Ombudsman – Año

Ipinahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge Eduardo Año, na sinuspinde na ng Office of the Ombudsman ang alkalde ng Aklan.

Sa pahayag ni Año, epektibo ang ‘preventive suspension’ ni Malay town Mayor Ciceron Cawaling simula Huwebes, isang araw bago ang nakatakdang muling pagbubukas ng Isla ng Boracay sa mga turista.

Ang kautusan ng pag-iimplementa ng suspensyon ay manggagaling sa nasabing departamento.

Matatandaang na noong Hunyo ay naghain ng criminal at administrative charges ang DILG laban kay Cawaling at 16 pang opisyal sa probinsya ng Aklan dahil sa diumano’y kapabayaan ng mga ito sa tungkulin na nagresulta sa problema sa kapaligiran ng Boracay island.

Isinampa ang kaso dalawang buwan matapos ipasara ang tourist spot upang maisaayos ng mga establisyemento ang kanilang sewerage systems at ang mga iligal na istrakturang itinayo sa mga restricted areas ng isla.

Ang Boracay ay nasa ilalim ng bayan ng Malay sa Aklan. Sa kasalukuyan ay si Vice Mayor Abram Sualog ang pansamantalang hahalili bilang mayor ng probinsya, ayon kay Año.

Isa si Sualog sa mga opisyal na kinasuhan ng DILG ukol sa problema sa Boracay, ngunit iginiit niya na ang mga paglabag na nabanggit sa criminal at administrative charges ay naganap bago pa siya maupo sa puwesto.

Samantala, inatasan na rin ni Año ang lahat ng Regional Offices ng DILG na bantayan ang lahat ng island resorts at beach tourism destinations sa bansa, upang hindi na umano masalaula muli ang nasabing isla.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?