96

May 13, 2021 @ 9:46
By

Akala may COVID: Bangkay nagmistulang mummy, binalot sa tape

Nagulantang ang pamilya ng isang nasawing lalaki matapos na makita ang katawan nito na nakabalot ng duct tape mula ulo hanggang paa.

Namatay si Merwin Jay Sapipi, isang construction worker, noong May 1, kung saan hinala ng ospital na nasawi sa COVID-19 ang pasyente.

Sa Facebook post ng ina ni Merwin na si Mitchilou, binahagi nito na naospital ang kanyang anak matapos bungguin ng truck habang nakasakay sa motorsiko.

Dinala ang biktima sa Region II Trauma and Medical Center para ipagamot, ngunit kinailangan putulin ang paa nito dahil sa lala ng fracture.

Ayon kay Mitchilou, dinala pa umano ang biktima sa COVID-19 ward, at tinanggal din daw ang life support ng kanyang anak nang hindi nagpapaalam sa kanila.

Depensa naman ni hospital director Dr. Napoleon Obaña, dineklarang patay na ang pasyente nang tanggalin ang life support system.

Sa pahayag ng pamunuan ng ospital, protocol umano sa mga suspected COVID-19 case na ibalot sa tela ang bangkay, saka ito lagyan ng tape bago ilagay sa cadaver bag para umano maiwasan ang leakage sa katawan.

Sa RT-PCR test na ginawa kay Merwin, nagnegatibo ito sa COVID-19.

Bukas naman ang pamunuan ng ospital na makipag-usap sa pamilya ni Merwin tungkol sa reklamong pagbabalot ng tape sa bangkay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?