178

Oct 30, 2017 @ 17:56

Aircon technician, kinatay ng kainuman

Pinagsasasaksak hanggang mapatay ang isang aircon technician ng kanyang kasamahan matapos ang mainitang pagtatalo habang nag-iinuman nitong Linggo ng hapon sa Quezon City.

Kinilala ni P/Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktimang namatay noon din na si Michael Milanay, nasa edad 20-25, binata, aircon technician at nakatira sa Catibog Compound na matatagpuan sa No. 23 6th Avenue, Cubao. Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Malubha namang nasugatan ang isa pang kainuman ng biktima na nakilalang si Jason Belarmino, 28, binate, isa ring aircon technician at naninirahan din sa nasabing compound. Siya ay ginagamot ngayon sa Quezon City Medical Center sanhi ng tinamo ring saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad namang naaresto ang suspek na nakilalang si Jason Araw Ansano, 28, binata, isa ring aircon technician at naninirahan din sa nasabing compound. Siya ay nakapiit ngayon sa detention cell ng CIDU-QCPD habang inihahanda ang kasong murder at frustrated na isasampa laban sa kanya.

Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Marvin P. Masangkay ng CIDU, ang insidente ay naganap dakong ala-1:40 ng hapon nitong Oktubre 29, 2017 sa loob ng compound na tinitirhan ng mga biktima at suspek.

Ayon sa saksing si Reysal Moneda, nakkatira din sa nasabing compound, masayang nag-iinuman ang mga biktima at suspek subalit nang malasing na umano ang mga ito ay biglang nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Tumayo ang suspek at pumasok sa bahay ni Moneda at muling bumalik sa inuman at muling nakipagtalo sa biktima.

Lingid sa kaaalaman ng biktima na armado na ng patalim ang suspek at sa gitna ng kanilang pagtatalo ay binunot ng huli ang kutsilyo sa kanyang tagiliran at ilang ulit na inundayan ng saksak si Milanay.

Agad namang umawat si Belarmino subalit pinagsasasaksak din siya ng nasabing suspek. (Dolly B. Cabreza/ with trainee-Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?