182

Nov 26, 2017 @ 18:12
By

Aguirre tetestigo laban kay Sereno

Tatayong testigo si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa impeachment proceedings laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay House justice committee chairman Reynaldo Umali, haharap si Aguirre sa pagdinig sa Martes.

“Nagpasabi si Secretary Vit Aguirre na sa Martes pa siya available kaya ini-move na rin namin ang kaniyang testimonya,” sabi ni Umali.

Tetestigo ang kalihim sa alegasyong minanipula umano at inupuan ni Sereno ang kahilingan ng DOJ na mailipat ang mga kaso ng mga miyembro ng teroristang Maute sa labas ng Mindanao dahil sa isyu ng seguridad.

Base sa akusasyon ng complainant na si Atty. Larry Gadon, sumulat si Aguirre kay Sereno para hilihinging mailipat ang paglilitis sa Maute suspects sa Luzon o sa Visayas, pero inilipat lamang ito sa Cagayan de Oro City.

Kinailangan pa umanong sumulat ulit ng kalihim para sabihing masyadong malapit ang CDO sa Marawi at humirit na sa Taguig City na lamang ikulong ang mga ito.

Sa puntong ito pa lamang anya pinagbigyan ng Korte Suprema ang hiling ng DOJ kaya nailipat ang mga miyembro ng Maute sa Metro Manila. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?