345

Dec 19, 2017 @ 11:35
By

Aguirre lusot sa P50-M BI scandal; Argosino, Robles swak sa plunder

Iginiit ng Senate blue ribbon committee na sampahan ng patong-patong na kaso ang mga sangkot sa binansagang P50-million immigration bribery/exortion scandal.

Sa may 31-pahinang committee report, pinakakasuhan ng plunder o pandarambong, direct bribery o pangingikil at ng katiwalian sina Atty. Al Argosino at Atty. Michael Robles, kapwa dating deputy commissioners ng Bureau of Immigration (BI)

Ito ay para sa diumanoy pagtanggap ng P50 milyong suhol para pakawalan ng BI ang 1,316 na Chinese nationals na nahuling ilegal na nagtatrabaho sa online casino gambling operations ng gambling mogul na si Jack Lam sa Fontana Leisure Park and Casino sa Clark Field, Pampanga.

Pinakakasuhan din ng direct bribery si dating BI Intelligence chief Carles Calima dahil nakihati diumano sa salapi at kinuha ang P18 milyon dahil diumano ay sinusubaybayan nya sina Argosino at Robles.

Pinasasampahan naman ng kasong Corruption of public officials ang diumano ay bagman ni Jack lam at nag-abot ng pera na si Wally Sombero na dating pulis, habang pina-iimbestigahan pang maigi ang umanoy ay principal nito na si Jack Lam na nakalabas na ng bansa ilang araw matapos mahuli ang mga Chinese nationals na ilegal na nagtatrabaho sa negosyo nito.

Hindi naman pinakakasuhan kundi pinagapaliwanag lamang si Justice Secretary Vitaliano Aguirre dahil sa kabila ng isyu sa nahuling illegal workers, pumayag itong makipagkita kina Jack Lam at Wally Sombero kung saan inalok daw siya ni Sombero na mag-ninong o magpadrino kay Jack Lam.

Kinondena naman ng kumite ang nakita nitong tangka na iligtas sa kasong bribery sina Argosino at Robles dahil nakulangan ng P1,000 ang bribe money na gamit na ebidensya laban sa mga ito.

Bilang leksiyon ng iskandalo na nangyari noong Nobyembre 2016, inirekumenda ng kumite na amyendahan ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees para maitadhana na makakasuhan at masisipa sa trabaho ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na makikipagkita nang pribado sa mga taong iniimbestigahan ng kanilang tanggapan.

Inirekomenda rin na maghigpit ng patakaran at paghusayin ang intelligence work ng Department of Foreign Affairs (DFA), BI at Department of Labor and Employment (DOLE) para hindi malusutan ng illegal foreign workers. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?