63

Oct 15, 2017 @ 15:32

Aguirre kay Drilon: Puro ka dakdak, maglabas ka ng ebidensiya!

Hinamon kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ll si Senate minority leader Franklin Drilon na tigilan na ang dakdak at maglabas na lang ng ebidensya sa akusasyon nito na may pagtatangka silang iligtas sa kasong plunder sina dating immigration commissioners Al Argosino at Michael Robles.

Ito’y matapos mabulgar sa deliberasyon ng budget ng Department of Justice (DOJ) sa Senado noong nakaraang linggo na kulang umano ng P1,000 ang bribe money na nabawi mula sa dalawang opisyal upang mabuo ang P50,000 na kailangan para maisulong ang plunder laban sa kanila.

Kinuwestyon ni Drilon kung bakit di nakasuhan ng plunder sina Argosino at Robles mula sa suhol na tinanggap nila mula sa gambling tycoon na si Jack Lim.

“Dapat mag-present siya ng ebidensyang pinagtatakpan daw namin sina Argosino at Robles, hindi yung puro spekulasyon lang siya” ani Aguirre.

Dagdag ng kalihim, posibleng nagkamali umano ang bangko o casino kung bakit  umabot lang sa P49,999,000 ang nabawing bribe money.

“Ewan ko kung naranasan niyo na yan, but kapag yan ay milyon-milyon, daang libo na wini-withdraw mo sa bangko, nagkakaroon talaga yan minsan ng kulang, minsan sobra. Sa P50 million, hindi malayong pwedeng mangyari na may nabawas diyan doon pa lang sa bangko kasi galing yan sa casino eh,” paliwanag ng Kalihim.

Iginiit ni Aguirre na hindi uubra na siya ang nagbawas sa bribe money dahil may video footage aniya sila ng pagbibilang sa pera.

“Kung sasabihin niya na ako ang nagbawas, kalokohan yan. Magprisenta sila ng ebidensya,” diin pa nito.

Hinamon din ni Aguirre si Drilon na mag-imbestiga ulit sa nasabing usapin at hindi niya aniya ito aatrasan. (Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?