51

Oct 2, 2017 @ 12:07

Aguirre, Hontiveros naghamunan sa Senado

Harap-harapang naghamunan sina Senador Risa Hontiveros at Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kaugnay ng batuhan ng mga akusasyon sa isa’t isa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa mga kaso ng pagpatay sa mga menor de edad, kinumpirma ni Aguirre na sinampahan niya ng kasong paglabag sa Anti-Wiretapping si Hontiveros at sa isang John Doe sa Pasay City Prosecutor Office.

Bukod dito, naghain din siya ng ethics complaint laban sa senador sa Senate Ethics Committee.

Nag-ugat ang reklamo ng kalihim sa inilabas na larawan ni Hontiveros sa private communication ni Aguirre at dating Cong Jing Paras hinggil sa paghahain ng kaso laban sa senador.

“Ito po ay sinadya at pinagplanuhan and I can prove it,” saad ni Aguirre.

Sabi ng kalihim, nilabag ni Hontiveros at ng sinasabi nitong media person na kumuha ng larawan ang kanyang right to privacy.
“I view the act of Hontiveros as unethical and very unbecoming of a public servant,” pahayag pa ni Aguirre.

Hinamon naman ni Hontiveros si Aguirre na umalis na sa kanyang pwesto dahil ang kasong inihain laban sa kanya ay may intensyon lamang na ibaling ang atensyon ng publiko.

Iginiit ni Hontiveros na ang tunay na isyu ay ang pakikipagsabwatan ni aguirre sa isang pribadong indibidwal para siya ay sampahan ng mga pekeng kaso.

“Mr. Secretary, it’s already game over. Tapos na ang boksing. Bistong bisto ka na. Buko ka na. Tama na ang pagpapalusot. Tama na ang pagtatago sa mga pekeng kaso. Panahon na para lisanin mo ang posisyon na lubos na dinungisan mo,” saad ni Hontiveros.

Agad namang sumagot si Aguirre at iginiit na ang tunay na isyu ay ang paglabag ni Hontiveros sa kanyang right to privacy. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?