By

Aguirre, dapat managot sa desisyon ng DOJ vs drug lords – Makabayan

Sharing is caring!

Hinamon ng Makabayan bloc sa Kamara si Pangulong Rodrigo Duterte na sibakin sa puwesto si Justice Secretary Vitaliano Aquirre kasunod ng pagbasura ng Department of Justice (DOJ) sa drug cases ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa at negosyanteng si Peter Lim.

Ayon sa mga militanteng kongresista, kung totoong dismayado ang Pangulo sa pag-absuwelto kina Espinosa at Lim, dapat panagutin nito si Aguirre sa naging desisyon ng DOJ panel.

Sabi ni ACT Teachers Party-list Rep. Atonio Tinio, kung hindi ito gagawin ni Duterte, lalabas na naghuhugas-kamay lamang ang Malacañang.

“Kung seryoso ‘yan at hindi lang paghuhugas ng kamay ay sibakin niya (Duterte) ang pinuno ng DOJ na responsable sa desisyong ito, otherwise, palabas lang ‘yan,” ani Tinio.

Pero para kay ACT Teachers Rep. France Castro, dapat hindi na hintayin ni Aguirre na sibakin ito ng Presidente at kusa na lang magbitiw ang kalihim bilang delicadeza.

“Maang-maangan pa si Aguirre! Kung may delicadeza siya, mag-resign na, bago pa sibakin,” hamon ni Castro kay Aguirre.

Muli namang binanatan ng mga militanteng kongresista ang kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyon.

Iginiit ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na dapat nang itigil ang war on drugs dahil peke ito at target lamang ang mahihirap habang pinoprotektahan naman ang malalaking isda.

“Nagsasabwatan ang mga ahensiya ng gobyerno para protektahan ang malalaking tao na nasa likod ng ilegal na droga,” ayon kay Zarate.

Sa panig ni Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao, hindi aniya kapani-paniwala na walang ebidensiya laban kina Espinosa at Lim dahil umamin mismo si Kerwin na drug lord ito habang nasa narco-list mismo ni Pangulong Duterte si Lim.

“DOJ is clearly showing its being a drug protector dahil malinaw na ang ebidensiya at testimonya tapos hindi mahanapan ng probable cause? Sinong niloloko nila?” diin ni Casilao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?