85
alejano
Apr 4, 2018 @ 20:15
By

Aguirre, dapat kusang mag-resign – Alejano

Hindi na umano dapat hintayin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na sibakin pa ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bagkus ay kusa nang magbitiw sa puwesto.

Ayon kay Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano, ang pagre-resign ang tamang gawin ni Aguirre dahil sa humahabang listahan ng kanyang kapalpakan.

“It is the best decision for Aguirre to resign as Justice Secretary given his long list of blunders,” ani Alejano.

Binanggit ni Alejano ang umano’y mga sablay ni Aguirre kabilang ang paggamit sa convicted drug lords at kriminal para kaladkarin si Senadora Leila de Lima sa ilegal na droga, pagkakasangkot sa bribery scandal sa Bureau of Immigration kasama ang mga ka-brod sa fraternity, pag-absuwelto sa mga sangkot sa Customs shabu shipment, gawing state witness ang utak ng pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles at pagbasura sa kaso ng self-confessed drug lords na sina Peter Co, Kerwin Espinosa at Peter Lim.

Sinabi ng kongresista na kung magbitiw sa puwesto si Aguirre ay hindi pa rin ito dapat makalusot sa pananagutan sa mga naging paglabag sa batas.

“Dapat ding imbestigahan ang mga kasong nabanggit at alamin kung may mga nangyaring anomalya tulad ng case-fixing at iba pang paglabag sa batas. Kung sakaling mayroon nga, dapat mapanagot si Secretary Aguirre at lahat ng mga sangkot,” ayon kay Alejano.

Ito ang magpapatunay kung talagang seryoso si Pangulong Duterte sa laban nito sa katiwalian sa gobyerno.

Para naman kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, isa itong katibayan na ang isinampang kaso ni Aguirre laban kay De Lima at iba pang kritiko ay malaking kapalpakan.

“Huli man, mukhang natauhan na ang Pangulo sa incompetence ng kanyang inatasan bilang pangunahing berdugo sa pag-harass ng mga kritiko at oposisyon,” sabi ni Baguilat.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?