39

Oct 29, 2020 @ 20:21
By

Agricultural smuggling case ni Faeldon inupuan ng Ombudsman – Lacson

Nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Panfilo Lacson sa Office of the Ombudsman kaugnay ng hindi pag-usad ng isinampa niyang agricultural smuggling case laban kay dating Bureau of Customs (BOC) chief Nicanor Faeldon.

Ayon kay Lacson, lagpas tatlong taon na aniya mula nang ireklamo niya si Faeldon subalit hanggang ngayon ay wala pa ring aksiyon ang Ombudsman kahit na nagsumite na siya ng matibay na ebidensiya para rito.

Sabi nito, maganda sanang ‘test case’ ang nasabing kaso sa iniakdang batas ni Senadora Cynthia Villar kung saan ginawang kasong economic sabotage ang agricultural smuggling.

“The case that I filed 3 years ago for agricultural smuggling against then BOC Commissioner Faeldon et al which could have been a good test case for a relatively new law authored and sponsored by Sen. Villar on rice smuggling continues to languish at the Ombudsman in spite of clear documentary and testimonial evidence that we presented,” sabi ni Lacson sa kanyang text message.

Sa nasabing batas, hindi papayagang magpiyansa ang masasampahan ng ganitong kaso.

Paniwala ni Lacson, maaring natatambakan ng kaso ang Ombudsman subalit dapat kailangan aniyang asikasuhin ito para maiwasan ang pagkakaroon ng backlog ng mga kaso sa naturang ahensya.

“Baka overwhelmed din ng dami ng mga kaso. Dapat may effort to catch up and reduce the backlog instead of allowing it to build up,” ayon pa kay Lacson.

Ginawa ni Lacson ang pahayag kasunod nang pagsuspinde sa walong opisyal ng PhilHealth kaugnay ng iligal na pag-relase ng P2.7 bilyon mula sa interim reimbursement mechanism ng ahensya.

“At least it’s moving. The bigger issue or question, if you will is, may mangyari naman kaya sa criminal case?” sabi ni Lacson.

Noong Setyembre 2017, inakusahan noon ni Lacson si Faeldon sa pagpayag na makapasok sa Cagayan de Oro ang smuggled rice na nagkakahalaga ng P34 milyon.

Bukod kay Faeldon, kasama sa inireklamo ni Lacson si National Food Authority Administrator Jason Aquino; dating Cagayan de Oro port district collector Tomas Alcid; BOC liaison officer Geniefelle Lagmay; at Cebu Lite Trading Inc. officers Filomena Lim, Lucio Roger Lim Jr., Rowena Lim, Joselito Lopez, Josephine Rizalde, at Ambrosio Ursal Jr.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?