446
dead-body-child
Dec 17, 2018 @ 11:05
By

Agnas na bangkay ng teenager, natagpuan

Naaagnas na ang bangkay ng isang teenager nang matagpuang nakabigti ng kanyang kapitbahay sa nirerentahang apartment sa Quezon City, nitong Linggo ng umaga, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Ayon kay P/Insp. Nick S. Fontanilla, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-7:30 ng umaga (December 16) nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Kim John Estrada Espino, 19-anyos, sa ikalawang palapag ng apartment sa 25 Pangasinan St., Brgy. Batasan Hills, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Morshid D. Tanog, ng CIDU-QCPD, nadiskubre lamang ang bangkay ng binatilyo matapos na umalingasaw ang masansang na amoy na nanggaling sa ikalawang palapag nang nirerentahang apartment nito ng kapitbahay na si Allan Omapoy Sibunga na naninirahan sa unang palapag.

Sa pahayag sa pulisya ni Sibunga, halos ilang araw na umano niyang nalalanghap ang amoy na tila nabubulok na patay na daga, kaya inutusan na niya ang kanyang anak na si Ethan na alamin kung saan nanggagaling ito.

Sinundan naman ni Ethan ang pinanggagalingan ng masansang na amoy hanggang sa makarating siya sa ikalawang palapag ng apartment at doon ay bumungad sa kanya ang naaagnas na bangkay ng biktima na nakabigti sa kisame.

Dahil sa labis na takot ay dali-daling bumaba ng apartment si Ethan at ipinagbigay-alam ang kanyang nasaksihan sa kanyang tatay na siya namang humingi ng saklolo sa mga opisyal ng kanilang barangay.

Hinala ng pulisya, may ilang araw nang patay na nakabigti ang biktima dahil naaagnas na ang katawan nito.

Nang magresponde ang SOCO team sa pamumuno ni PSr. Insp Jose Bonifacio para magsagawa nang pagsisiyasat ay tumanggi ang umanoy kaanak ng biktima na nakilalang si Helen Nieves na imbestigahan ito dahil kumbisido umano sila na sadyang nagpatiwakal ang binatilyo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?