105

Oct 29, 2017 @ 17:19

Agenda ng Diyos sa ‘Pinas, sundin ni Digong – JIL

Nanawagan ang mga pinuno ng Kristiyanong Simbahan kay President Rodrigo Duterte na kilalanin ang katungkulan nitong suportahan ang plano ng Diyos sa bansa.

Ang panawagan ng mga pinuno ng Philippines for Jesus Movement (PJM) at Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC), dalawa sa pinakamalaking non-Catholic organizations sa bansa, ay isinagawa sa ika-39 na anibersaryo ng Jesus is Lord (JIL) Church na ginanap noong Biyernes sa Quirino Grandstand sa Luneta Park, Manila.

Ayon sa mga Christian leaders, ang kanilang panawagan ay kaugnay sa nagaganap na sunud-sunod na pagpatay dahil sa droga at ang di-umano’y pagkakasangkot ng ilang matataas na opisyal sa mga iligal na aktibidades.

Nababahala rin sila makaraang ihain ang panukalang batas na kumikilala sa same sex “civil partnerships.” Ang paghain umano sa civil union bill ay nangyari lamang isang buwan makaraang aprubahan ng kongreso ang bill tungkol sa Sexual Orientation at Gender Identity or Expression (SOGIE).

Ayon kay JIL founder and PJM chairman Bro. Eddie Villanueva, nababahala sila ukol sa mga pagbabago sa bansa lalo na sa patuloy na pagpatay sa mga hinihinalang gumagamit ng droga.

“This policy against drugs should not be at the expense of the rule of law. We would also like to remind every one of the 6th commandment– Thou shall not murder. No one has the right to take another person’s life,” ayon kay Villanueva.

Inihayag din ng JIL founder na sa lahat ng ipinagdasal niyang kandidato sa pagka-Pangulo noong kampanya, naramdaman niyang ibinadya sa kanya ng Espiritu Santo na bigyan ng “kingly anointing” ang dating alkalde ng Davao.

Sinabi niyang ipinangako ni Pangulong Duterte, na bumisita noon kasabay ang ilang Christian leaders kasama ang running mate nito na si Alan Peter Cayetano, ang pagsuporta sa plano ng Diyos para sa bansa sa oras na manalo siya bilang Pangulo.

Aniya, sa inaugural speech ng Pangulo, idiniin nito na ang kanyang “adherence to due process and rule of law is non-compromising.”

Sa tala ng Philippine National Police, nasa 3,800 na mga suspek ang napatay sa mga police operations. Pero ayon naman sa Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), nasa humigit-kumulang 12,000 na ang napatay, kabilang na ang mga napatay ng mga hinihinalang vigilante.

Nanawagan din siya sa mga Kristiyano sa Kongreso at Senado na maging alerto sa gitna ng mga lantarang hakbang upang isulong ang same sex union. “Let us not allow modern Sodom and Gomorrah to prosper in our society.

Nabatid na Itinatag ang JIL noong 1978 sa Polytechnic University of the Philippines (PUP),  bumuo ng bible study group, hanggang sa lumaki ang itinuturing na pinakamalaking simbahang ebangheliko sa buong mundo na may kongregasyon na  nasa 60 nasyon. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?