By

AFP, tutok pa rin sa clearing ops sa Marawi

Sharing is caring!

Siniguro ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakatutok pa rin sila sa clearing operation sa Marawi makaraan ang ilang buwang giyera at pagkontrol dito ng Maute ISIS terrorist group.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, 15 porsiyento pa ng Marawi ang hindi pa naki-clear ng militar.

Ang mga lugar na ito aniya ay may mga unexploded ordnance pa kaya delikado pang puntahan o tirahan ng mga sibilyan.

“Pangunahin sa effort ng AFP ‘yung pag-clear ng unexploded ordnance, actually diyan mag-uumpisa ang lahat,” sabi ni Arevalo.

Nanatili pa aniya sa Marawi ang kanilang combat engineering brigade na kinabibilangan ng Philippine Army, Navy at Air Force upang tutukan ang clearing operation.

Dagdag pa ni Arevalo, alam nilang naiinip na ang ilang residente ng Marawi na makabalik sa kanilang tirahan kaya ginagawa nila ang lahat upang mabilis na matapos ang clearing operation.

Sa Mayo 23, isang taon na ang nakakalipas nang simulang salakayin ng Maute ISIS ang nabanggit na siyudad kung saan mahigit 1,000 sibilyan, sundalo at pulis ang namatay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?