36

Dec 11, 2018 @ 17:18
By ,

AFP tungtong ng ‘F4’ sa pasiklab ni Cordero

Mga Laro sa Linggo:

(Meralco Gym)

3 p.m. – Senate vs Judiciary

4:30 p.m. – Malacañang-PSC vs PNP

Standings: AFP (7-1), Malacañang-PSC (6-1), PNP (6-2), Senate (5-3), NHA (4-4), PITC (4-4), Agriculture (3-6), Judiciary (3-5)

Nasungkit ng two-time champion Armed Forces of the Philippines (AFP) ang unang semis berth nang maalpasan nito ang Department of Agriculture 79-73 sa 7th UNTV Cup nitong weekend sa JCSGO gym sa Cubao.

Sa paglagablab ng kamay ni Darwin Cordero, tinambakan nang husto ng AFP Cavaliers ang DA Food Masters, 31-10, sa first canto hanggang sa iposte nito ang ikapito nitong panalo sa walong laro at selyuhan ang pwesto sa semis ng liga.

Walang awa si Cordero nang rumehistro ito ng 24 puntos mula sa tatlong tres at ang magandang shooting sa field, 10-of-14. Tumapos din ito ng tatlong rebounds at dalawang assists.

Ito na ang ikalimang sunod na pagkatalo ng DA mula sa first round ng liga kaya’t mawawalan ito ng tsansa na makapaglaro sa torneo na inorganisa ni UNTV president at CEO Daniel Razon para sa public servants.

Sa iba pang laro, buhay pa rin ang pag-asa ng Malacañang-Philippine Sports Commission makasungkit ng pwesto sa semis nang padapain nito ang PITC, 69-64 habang naitakas naman ng Senate Defenders ang 98-97 na panalo kontra National Housing Authority sa overtime.

Sa dagdag na limang minuto, umalagwa si Reynaldo Malaga ng anim na puntos para tulungan ang defending champions na umangat sa 5-3 ang baraha.

Pumoste naman ng 22 puntos, walong rebounds at dalawang assists si Marlon Legaspi para sa Senate.

Ang dynamic duo naman ng Malacañang-PSC Kamao na sina Marvin Antonio at Michael Ignacio ang nagkumtsaba para sa ikaanim nilang panalo.

Tumapos ng 16 na puntos si Antonio habang si Ignacio naman ay may 15 puntos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?