32

Oct 24, 2020 @ 13:25
By

AFP: Parlade pinagtanggol pa si Liza Soberano

Walang nakikitang mali ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa naging babala ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. kay Liza Soberano ukol sa grupong Gabriela.

Ayon kay AFP spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo, dinepensa pa nga umano ni Parlade ang aktres sa mga netizen na nagre-red tag dito, at ang tanging ginawa lang ng heneral ay ipaalam kay Soberano ang umano’y agenda ng Gabriela.

“Ipinagtanggol pa nga ni Gen. Parlade si Ms. Soberano dahil nakiusap siya sa netizens na ‘wag mang-red tag. Pinaalalahan lang po ni Gen. Parlade na alamin ang naturalesa ng ibang grupo,” saad ni Arevalo sa DZRH.

Matatandaan na sinabi ni Parlade na hindi siya hihingi ng paumanhin kay Soberano dahil giit niya’y hindi naman niya ni-red tag ang aktres.

“Definitely, I did not red-tag Liza Soberano. In fact, I came in to defend her position na it’s okay to be an activist and to defend women’s rights. It’s not right that we don’t inform Liza Soberano about the nature of Gabriela Youth to which she was engaging with during the webinar,” paliwanag ni Parlade.

Nag-ugat ang naturang isyu matapos na sumali si Liza sa webinar event ng Gabriela Youth.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?