185

Nov 25, 2017 @ 12:50

AFP, nakahanda na sa mga pag-atake ng NPA

Nakahanda na umano ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga pag-atake ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Huwebes ang Proclamation No. 360 na nagbabasura sa usapang pangkapayapaan sa komunistang grupo.

Ayon kay AFP Spokesperson Major. General Restituto Padilla, inaasahan na ng militar ang mas marami pang pag-atake mula sa grupo ng mga komunista.

“Amin pong ine-expect ‘yan, sila’y magpapakitang-gilas, sila’y magpapahiwatig na nariyan pa rin sila,” ani Padilla.

Sinabi pa nitong matapos ibasura ng Pangulo ang peace talks, isang intelligence report ang kanilang natanggap na nag-utos na ang mga pinuno ng NPA sa kanilang mga tauhan na magkasa ng maraming pagsalakay.

Sa tantiya ng militar, mayroon umanong higit tatlong libong miyembro ang NPA.

Higit umanong malakas ang puwersa ng mga ito sa Eastern Mindanao kaya’t dito sila mas magdadagdag ng kasundaluhan.

Nilinaw naman ng opisyal na hindi ito giyera laban sa NPA bagkus ay nais lamang nilang protektahan ang komunidad laban sa pananabotahe sa ekonomiya ng bansa.

Ang Proclamation 360 ang nagtuldok sa matagal nang negosasyon para sa kapayapaan sa CPP-NDF-NPA. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na naibasura ang peace talks matapos ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at komunistang grupo sa loob ng 18 na taon.

Isa sa dahilan ni Pangulong Duterte sa desisyong pagbasura sa peace talks ay ang patuloy na mga pag-atake umano ng rebeldeng grupo sa mga inosenteng sibilyan at mga pananim.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?