12

Sep 14, 2021 @ 16:52
By

AFP Medical Corps ipangalan kay Josefa Llanes-Escoda -Tolentino

Isinusulong ni Senador Francis ‘Tol’ N. Tolentino ang isang panukala na ipapangalan ang isang unit ng medical corps ng Sandatahang Lakas Pilipinas bilang parangal sa bayaning si Josefa Llanes-Escoda.

Ginawa ni Tolentino ang panawagan sa pagdinig ng Senate Committee on Local Government nitong Martes sa panukalang House Bill No.7650 na naglalayong gawing special non-working holiday ang Setyembre 20 ng kada taon sa lalawigan ng Ilocos Norte bilang pagdiriwang ng kapanganakan ni Gng. Escoda.

“Perhaps you should do more in terms of research, perhaps you should endeavor more to reach out to some other areas and my imagination is now awakened that we should have a Escoda Military Nursing Corps… or an Escoda Wing in V. Luna Memorial Hospital among others,” paliwanag ni Tolentino sa mga opisyal ng National Historical Commission (NHC).

Ipinanganak sa Dingras, Ilocos Norte noon ika-20 ng Setyembre 1898, nakilala si Escoda bilang isang prominenteng pilantropo, civic leader at social worker noong panahon ng Pamahalaan Commonwealth.

Noong 1940, pinangunahan ni Escoda ang pagtatag sa Girls Scouts of the Philippines at naging kauna-unahang pinuno nito.

Sa pagputok ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nag-organisa si Josefa at ang kanyang kabiyak na si Antonio Escoda Sr. ng mga volunteer groups at buong-tapang na sinuong ang panganib ng pananakop ng mga Hapon upang tulungan ang mga sundalong Pilipino at Amerikanong ikinulong sa loob ng Camp O’Donnell sa Capas, Tarlac pagkatapos ng Bataan Death March.

Palihim na ipinuslit ng mag-asawang Escoda sa mga tinatawag na ‘prisoners of war’ ang mga sulat galing sa kani-kanilang mga pamilya, at maging ang iba pang mga bagay kagaya ng gamot at pagkain. Nag-organisa rin si Escoda ng mga community kitchen sa loob ng Maynila matapos itong bumagsak sa kamay ng Japanese Imperial Forces.

Huling nakitang buhay si Gng. Escoda noong ika-6 ng Enero 1945, habang bihag siya ng mga sundalong Hapon sa loob ng Far Eastern University. Pinaniniwalaang doon na rin sa loob ng nasabing Pamantasan binitay si Escoda, at kalaunan ay inihimlay sa hindi tiyak na lugar sa loob ng La Loma o Chinese Cemetery.

Agad namang inendorso ng komite ni Tolentino sa plenaryo ng Senado ang agarang pagpasa ng HB 7650, na pangunahing inakda ni Ilocos Norte 1st district Rep. Ria Christina Fariñas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?