128
AFP may libreng sakay sa mga COVID-19 health worker
Mar 18, 2020 @ 18:44
By

AFP may libreng sakay sa mga COVID-19 health worker

Nagpakalat na ng kanilang mga sasakyan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para umayuda sa mga stranded health worker sa Metro Manila simula kaninang umaga, Marso 18.

Ito’y kasunod na rin ng suspensiyon sa biyahe ng lahat ng mga pampublikong sasakyan dahil sa pag-iral ng enhanced community quarantine sa buong Luzon bilang pag-iingat sa COVID-19.

Ayon kay AFP Civil Relations Service o CRS Chief at Acting Spokesman M/Gen. Ernesto Torres Jr, 4 na military truck at 2 bus ang kanilang nilagay sa bahagi ng Monumento, Caloocan hanggang sa may Kampo Aguinaldo sa Santolan, QC.

Sa panig naman ng Philippine Army, hinayag ni Army Spokesman Col. Ramon Zagala na may 9 truck silang pinadala sa Masinag, Antipolo hanggang sa Santolan din.

Habang 9 na bus ang pinadala ng Army sa bahagi ng Mall of Asia o MOA sa Pasay City, patungo ring Santolan.

Gayunman, sinabi ng opisyal na maaari pa ring magbago ang kanilang deployment depende sa dami ng mga health worker sa isang lugar, para mapagsilbihan ang mga kapwa nila frontliner na lumalaban sa COVID-19 crisis.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?