165

Jan 3, 2018 @ 18:23
By

AFP isusumbong ang NPA sa CHR

Magsusumbong ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Commission on Human Rights (CHR) sa mga ginawang paglabag ng New People’s Army (NPA) nitong kasagsagan ng tigil-putukan.

Ayon kay AFP Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero, nasa proseso na sila ngayon ng pagsasampa ng reklamo sa CHR laban sa NPA.

Ipinarating na rin aniya nila kay Pangulong Rodrigo Duterte ang apat na paglabag ng NPA sa unilateral ceasefire.

Ilan dito ay ang pag-atake sa isang army detachment sa Compostella Valley at tangkang pagdukot sa isang CAFGU sa Davao Oriental noong Pasko.

Hanggang sa ngayon wala pa aniyang tugon dito ang Pangulo.

Matatandaang nagdeklara ng kanya-kanyang tigil-putukan ang NPA at pamahalaan noong Disyembre 23 hanggang Disyembre 26 2017 at Disyembre 30 hanggang Enero 2, 2018.

Sa panig ng pamahalaan, ito ay upang makapagpahinga ang mga sundalo sa pagsasagawa ng combat operation. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?