46

Jan 28, 2021 @ 18:05

AFP intelligence chief sinibak sa maling listahan ng NPA

Ipinag-utos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nitong Huwebes ang pag-alis sa intelligence chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos maglabas ng maling listahan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na napatay ng militar.

Ani Lorenzana, hindi mapapatawad na pagkukulang ang paglalabas ng maling listahan na mula sa opisina ni Maj. Gen. Alex Luna kaya sinibak ito bilang Deputy Chief of Staff for Intelligence epektibo ngayong January 28.

“His negligence only shows a lackadaisical attitude towards his job resulting in confusion and damage to reputation. We do not take these offenses lightly and I want to hold the people involved accountable,” wika ni Lorenzana.

Matatandaang humingi ng paumanhin ang AFP sa mga hindi sinasadyang napasama sa listahan ng mga estudyanteng sumali sa NPA at sinasabing namatay o nahuli, na ipinost sa AFP Information Exchange Facebook account.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang AFP kung paanong na-publish ang listahan at sinumang mapapatunayang responsable rito ay mananagot. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?