102
joma-sison
Sep 9, 2019 @ 16:36
By

AFP, humingi ng tulong sa DOJ para arestuhin si Joma Sison

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nagpasaklolo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang International Legal Cooperation Unit (ILCU) kaugnay sa pag-aresto kay Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison at 37 iba pa.

Kaugnay ito ng utos ng Manila Regional Trial Court na may kinalaman sa natuklasang mass grave sa Inopacan, Leyte noong 2006.

Ayon kay DOJ Undersecretary Markk Perete, ang ILCU na nasa ilalim ng DOJ ang humahawak sa mga usapin na may kinalaman sa extradition at mutual legal assistance.

Pero dahil pinagkalooban si Sison ng asylum sa The Netherlands, pinag-aaralan nila sa ngayon kung ano ang maaaring remedyo na puwede nilang gawin.

Ang 15 ulit na kasong murder na kinakaharap ni Sison at 37 iba pang mga akusado ay nag-ugat sa pagkakadiskubre ng Philippine Army sa mass grave sa Sitio Sapang Daco, Barangay Kaulisihan sa Inopacan, Leyte.

Ang mga biktimang nakalibing doon ay pinaniniwalaang pinatay noong dekada 80 dahil sa “purging” sa hanay ng komunistang grupo.

Walang namang inirekomendang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?