191

Oct 2, 2018 @ 11:30
By

Trillanes, Pangilinan absuwelto sa ‘Red October’ plot – Galvez

Kategorikal nang sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang kinalaman sina Senador Antonio Trillanes IV at Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan sa binansagang Red October plot kung saan pakay umanong patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, direktang tinanong ni Trillanes si AFP Chief of Staff General Carlito Galvez ukol dito.

Ayon kay Galvez, pakana ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA) ang Red October at gusto nitong makipag-alyansa sa mga makakaliwa.

“Based, Sir, on intelligence reports, while the CPP would like to forge a coalition, nakipag-coalition po ba kami ni Senator Pangilinan, Sir?” Tanong ni Trillanes.

“No, Sir,” ang agad na sagot ni Galvez.

Nagpasalamat si Trillanes na niliwanag ito ni Galvez at nagbigay-diin na hindi nila ito gagawin.

Sa katunayan, pinadidistansya pa nga umano nilang mga nasa oposisyon ang kanilang mga kasapi mula sa mga rebeldeng komunista dahil hindi sila sang-ayon sa gusto ng mga ito mula pa noong dekada 60 na pabagsakin ang gobyerno.

Iginiit pa na si Pangulong Rodrigo Duterte ang unang nakipagmabutihan sa mga makakaliwa at ito ay noong bigyan nito ng pwesto sa gabinete ang umano ay mga militante at makakaliwa.

“For as long as they (CPP) are killing our soldiers, talagang magiging tubig at langis ito. Hindi talaga pwedeng paghaluin ito,” dagdag ni Trillanes na dating sundalo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?