183

Oct 18, 2017 @ 14:48

Aegis Juris president posibleng ikulong sa Pasay City Jail

May posibilidad na ipakulong ng Senado sa Pasay City Jail ang lider ng Aegis Juris fraternity na si Arvin Balag.

Bunsod ito ng pagtanggi niyang sagutin ang tanong ng mga senador sa nagpapatuloy na pagdinig ukol sa pagkasawi sa fraternity hazing rites ng UST student na si Horacio “Atio” Castillo III.

Ipinasya ng Senate committee on public order and dangerous drugs na i-contempt si Balag dahil tumangging sumagot at nagsangkalan ng kaniyang right against self-incrimination nung tanuningin kung ano ang posisyon nito sa fraternity.

Sa pagdinig, tinanong ni Senadora Grace Poe si Balag kung ito ang presidente ng fraternity na tinanggihan nitong sagutin dahil mayroon na raw siyang kinakaharap na asunto.

“With all due respect, I invoke my right [against] self-incrimination,”  sagot ni Balag.

“Ni pagiging miyembro di mo aaminin? Anong klase ng lider ka ng fraternity? Mga kasamahan sa fraternity, ito ang lider niyo oh.” Pahayag ng dismayadong si Poe.

Bunsod nito, hiniling ni Poe na i-contempt si Balag na kinatigan naman ng lahat ng senador na nasa pagdinig.

Binalaan ni Lacson si Balag na maari nilang itong ipakulong sa Senate building o kaya ay sa Pasay City jail alinsunod sa Rules ng Senado.

Agad sinabihan ni Lacson ang sergeant-at-arms na ikulong si Balag pagkatapos ng pagdinig.

Sa executive session ng mga senador noong Setyembre 25, sinabi ni John Paul Solano na kasama niya si Balag nung ihatid si Solano sa Chinese General Hospital noong Setyembre 17 ng umaga.

Si Balag umano ang nagsabi na magsinungaling si Solano sa ospital at sabihing napulot niya si Castillo sa lansangan sa Balut, Tondo. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?