95

Oct 31, 2017 @ 15:52

Aegis Juris, nanindigang tatalima sa Anti-Hazing Law

Bago pumanaw dahil sa hazing si Horacio ‘Atio’ Castillo III, nauna nang nangako ang Aegis Juris Fraternity na tatalima ito sa Republic Act No. 8049 o Anti-Hazing Law.

Nabatid na nagsumite ang Aegis Juris ng dokumento na may pamagat na “Commitment to Anti-Hazing Law” na pirmado ni Grand Praefectus Arvin Balag.

Ang nasabing dokumento ay kasama sa mga isinumite ni University of Sto. Tomas Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina sa Department of Justice kasabay ng kanyang counter-affidavit.

“The Aegis Juris Fraternity, hereby declares its commitment to the Anti-Hazing Law and swears not to violate its provisions. The Fraternity declares that it will live up to the objective that it has personally set, to ensure that violence shall not be used, not just in the recruitment of its members but in all aspect of its conduct as an organization established in the University of Sto. Tomas,” ang nakasaad sa dokumento ng Aegis Juris.

Gayunman, ang Aegis Juris ay hindi nabigyan ng accreditation sa UST para sa school year 2017-2018.

Kaugnay nito, nanindigan si Divina na ang hazing ay ipinagbabawal sa UST kasunod ng kontrobersiyal na kaso ni Mark Welson Chua noong 2001.

Si Chua ay kadete ng UST ROTC na hinihinalang namatay din dahil sa hazing.

Kasama si Divina at ang iba pang mga abogado na miyembro ng Aegis Juris sa mga sinampahan ng mga magulang ni Atio ng paglabag sa Anti-Hazing Law. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?