113

Aegis juris frat president Arvin Balag, ‘most guilty’ – Migz

Maituturing na most guilty sa kaso ng pagpatay kay Horacio Castillo III ang Aegis Juris Grand Perfectus na si Arvin Balag.

Ito, ayon kay Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri, ay kung ang pagbabatayan ang pahayag ni John Paul Solano kaugnay sa hazing kay Atio.

“Lumalabas sa statement ni Solano na siya ang most guilty together with (Axle Munro) Hipe, (Oliver John Audrey “Ojay”) Onofre, (Mark Anthony) Ventura at a certain Zac (Abulencia) and Dan (Ragos). Ang key dito ay ang driver ni (Ralph) Trangia,” saad sa text message ni Zubiri sa Abante.

Dahil dito, ipatatawag ng kumite sa susunod nilang hearing ang driver ni Trangia na si Romeo Laboga.

Samantala, nagbabala si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Panfilo “Ping” Lacson na posibleng matulad sa kapalaran ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon si Balag na maaaring manatili sa kulungan sa Senado nang mahabang panahon.

Sinabi ni Lacson na maaaring manatili si Balag sa kulungan hangga’t hindi ito nakikipagtulungan sa kumite kaugnay sa imbestigasyon sa Castillo.

May posibilidad din anya na mailipat pa sa Pasay City Jail si Balag kung nanaisin ng komite.

“Maliwanag sa rules namin yan. Na under the supervision ng OSAA maski saang detention facility pwede sila doon. If you recall ang case na napakatagal sa Muntinlupa hanggang sa SC ang sabi ng SC tama ang Kongreso riyan na siya ikulong maski walang hangganan hanggang di siya nagko-cooperate kasi malinaw sa rules di lang naman ang di nag-honor ng subpoena kundi naroon na at sige pa ang pagsinungaling at evasive sa sagot, which actually happened in the case of Balag and the others,” saad ni Zubiri. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?